Hindi ko alam kung ano pumapasok sa ulo ko pagminsan. Siguro naiinggit ako sa mga kuwento ng aking ama na nung bata pa sila marami silang nagagawa sa bakante nilang oras. May ginawa silang mga "mural" sa pader ng bahay nila sa Lucena, sila ang naglagay ng "colored cement walkway" sa hardin ng bahay nila, doon din sa Lucena.
Magaling magbutingting ng bagay ang aking tatay. Kahit sa kotse kaya nga kalikutin, basta medyo luma na ang kotse. Masyado nang "high-tech" ang mga kotse ngayon, delikado na kalikutin at baka lalong masira, pero sa mga simpleng kasangkapan kaya ni erpat na laruin at ayusin ang iba.
Kaya siguro pinilit ko rin na ako ang magbubuo ng PC ko. Sa tulong ng aking ama binuo namin ang aking PC sa bahay, na gawa mula sa mga bago at lumang piyesa. Malaking pagkakamali.
Hanggang ngayon nagloloko pa rin siya. Tumatakbo naman pero masumpungin. Di mo alam kung tatakbo ba o hindi, kung nagloloko ba o hindi. Minsan nakaka-asar, kasi sayang ang ginastos ko sa kanya. Pero minsan napapa-isip din ako na ayos lang, kasi ako naman ang nagbuo, at ilan lang ba ang mga bumubo ng sarili nilang PC? Kaso mas marami sakit ng ulo. Sayang.
Ngayon kailangan ko palitan ang "motherboard" at "video card" ng aking PC. Yung motherboard ay masyadong maliit, at yung video card at masyado nang matanda. Pero ayos lang. Tuloy ang butingting. Tuloy ang paglaro. Kahit nagloloko, kahit di ko alam kung bakit nagloloko, aayusin at aayusin ko pa rin ang PC ko.
Ako ay siraniko. Bow.
No comments:
Post a Comment
Thank you very much for taking time out to leave a comment on my blog. :)