Sunday, September 16, 2007

Biyaheng Quiapo

Sabado, Setyembre 15, 2007.

Waltermart ang tagpuan. Jeep hanggang Buendia. Jeep hanggang LRT. LRT hanggang Carriedo. Tanghalian sa Savory. Lakad papuntang Hidalgo. Tingin ng mga gamit para sa mga camera. Tingin ng mga ilaw. Tinging ng mga dibidi. Lakad pabalik ng Savory. Pasig Ferry hanggang Guadalupe. Lakad papuntang EDSA. Bus hanggang Mantrade. Lakad hanggang Waltermart. Tambay sa roof deck ng Cityland. Uwi ng bahay.

Sa dinami-dami ng ginawa at nilakad nung Sabado wala akong ibang maisip kundi ang pag-ginhawa ng loob ko at pag-gaan ng damdamin ko. Stress relief, ika nga nila.

Nagsimula ang lahat sa plano. Gusto ni Enzo bumili ng mga ilaw para sa kanyang short film at naimbitahan niya ako sumama sa Quiapo. Payag agad ako (tutal wala dito si Maica kaya kalimitang batugan ako sa bahay kapag Sabado't Linggo).

Nagkita-kita kami nila Enzo at June sa Waltermart Pasong Tamo. Mula doon nagtungo kaming Escolta para kumain sa Savory. Simple lang ang aming order. Isang buong Savory Chicken, isang Pancit Guisado, tatlong kanin, at tatlong Mountain Dew.


Lunchtime!!!

Matapos namin kumain dumerecho kami sa Hidalgo. Nagtingin kami ng gamit para sa mga camera namin, at tumingin din si Enzo ng mga ilaw. Nakabili kami ni June ng mga LCD protector para sa aming mga camera. Nakabili rin ako ng blower para panlinis ng camera ko.

Andami naming nakitang mga murang lente at ilaw. Pati na rin mga camera, at video camera. Nakakatuwa sa Hidalgo. Kung umaapaw lang sana ang pera ko ay nakabili na sana ako ng 70-200 na lens ng Canon para sa 30D ko.

Matapos namin mag-canvas ng mga presyo ng mga gamit tumuloy kami sa bilihan ng mga pirated DVD. Medyo magulo at paulit-ulit lang ang mga binebenta nila doon. Kung ako ang tatanungin mas gusto ko na bumili sa MCS kahit mas mahal kasi doon may suki na ako, siguradong papalitan ang mga sablay na DVD at kapag nag-order ako sila ang hahanap ng kailangan ko. Kesa maglakad ako buong hapon sa Quiapo tapos wala ring mahahanap, 'di ba?

Pauwi niyaya ko si Enzo at June sumakay sa Pasig Ferry para masubukan ito. Astig papasok ng ferry. Parang isa akong item sa grocery kasi may barcode sa resibo at yon ang idadaan mo sa makina para makalusot sa turnstile. Nakakatuwa. Alam ko ambabaw pakinggan pero mabilis akong matuwa sa mga ganyang bagay eh.


Manila Post Office


Chocolate Factory


Hope?


Marami akong nakita sa Ilog Pasig na nakakatuwa. Ngayon ko lang na-realize na andami ko pang hindi nakikita na mga tanawin sa Maynila na gusto kong puntahan. Andami ng mga lumang gusali na masarap libutin. Masarap siguro magkuha ng litrato sa mga lumang gusali na nakikita ko, kaso paano kaya pumunta sa mga lugar na yon? At di kaya delikado pumunta doon dahil karamihan ng mga gusto kong puntahan na nakita kong lugar maraming "squatter". Sayang.

Lahat nga pala ng mga kuha ko dito ay galing sa aking cameraphone, isang Sony Ericsson k750i. Wala kaming dalang gamit sa biyahe (for safety and security reasons) pero mabuti na lang cameraphone ang aking cellular phone.

Andami ko pa sanang gusto isulat kaso parang ambagal ng computer ko ngayon dito sa bahay. Sayang.

Out.

No comments:

Post a Comment

Thank you very much for taking time out to leave a comment on my blog. :)